Humantong sa rambulan ang isang birthday party sa Cainta, Rizal. Ang ilang aawat lang, nadamay pa sa gulo.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ng Barangay Sto. Domingo ang paglabas ng isang lalaki mula sa kaniyang bahay at nilapitan ang isa pang lalaki sa may Flora Street pasado 1 a.m.

Ilang sandali pa, sinundan siya ng kaniyang asawa at humantong ito sa komprontasyon ng magkabilang panig.

Maya-maya pa, sinuntok na ng lalaki ang isa pang lalaking nakasuot ng pula kaya ito tumumba.

Sinuntok din ng lalaki ang una niyang nilapitan pero nakaiwas ito.

Isa pang lalaki ang kumuha ng bote mula sa saradong tindahan at binato ito sa nanununtok.

Ang babae naman, tumakbo rin papunta sa tindahan, kumuha ng bote at nag-akmang ibabato sa ibang tao. Ilang saglit pa, isang lalaki naman ang sumipa sa babae.

Sinusubukan nang awatin ng ilang residente ang mga nag-aaway pero hindi nagpaawat ang mga nagkakagulo. Natigil lamang ang away nang dumating ang mga taga-barangay.

Sinabi ng barangay na naalimpungatan ang lalaking lumabas ng bahay at ang asawa nito dahil sa pag-iinuman ng ilang kabataan. Bago nito, dalawang beses na umano silang inikutan ng barangay bago napatigil.

Habang nagliligpit, doon na lumabas ang lalaki.

“‘Di umano ay mayroong karamdaman ‘yung kaniyang maybahay, kaya siya ay lumabas at kaniya ring sinabihan. Mayroon daw birthday kaya sila nag-inuman,” sabi ni Kagawad Rey Vila.

Sa isa pang kuha ng CCTV, isang lalaki ang kumuha ng malaking bato habang papalapit sa nag-aaway. Hindi na nahagip sa video pero pagbalik ng lalaki, wala na ang hawak niyang bato.

Ilang saglit pa, halaman naman ang kinuha niya at inihagis.

Ayon sa barangay, dati nang may alitan ang magkabilang panig pero hindi na nila ito idinetalye.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makausap ang lalaking unang nasuntok. Hindi siya humarap sa camera pero ayon sa kaniya, sinubukan niya lang umawat pero nadamay pa siya.

Desidido umano siyang magsampa ng reklamo.

Hindi na nakausap ang lalaking naalimpungatan umano dahil sumailalim din siya sa medikal. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News