Patay ang isang rider na kasamang nasunog ng kaniyang motorsiklo matapos itong sumalpok sa isang nakaparadang sasakyan sa Laoag City, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagliwanag ng bahagi ng isang bypass bridge matapos magliyab ang isang motorsiklo.

Naabutan ang rider ng pagsiklab ng apoy matapos siyang maipit sa kaniyang motor.

Bago magliyab ang motor, sumalpok muna ito sa isang sasakyang nakaparada noon sa tulay.

Tumilapon ang angkas dahil sa lakas ng impact. Dinala ang angkas sa ospital, pero bigo nang maisalba ang rider dahil sa laki ng apoy.

Sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng nakaparadang sasakyan. Depensa niya, itinabi niya lang ang kaniyang sasakyan dahil naubusan ito ng gasolina.

Nag-hazard light naman ang driver at sumisenyas pa noon sa ilang motorista gamit ang kaniyang cellphone flashlight.

Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News