Dahil nawalan ng trabaho, at wala umanong natatanggap na ayuda, at nag-aalala pa sa kaniyang pamilya sa Pampanga, nagpasya ang isang bulag na umuwi na sa probinsiya kahit maglakad lang. Pero nabawasan ang mahaba at delikado sana niyang lakbayin sa tulong ng mga taong may mabuting kalooban.
Ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing natigil sa trabaho bilang masahista sa Quiapo ang bulag na si David Coper dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine.
Inabutan raw siya ng lockdown sa kaniyang tinitirhan sa gilid ng Plaza Miranda, at wala raw siyang natanggap na ayuda sa loob ng 36 na araw mula simulan ang ECQ.
Dahil walang dumating na tulong at nag-aalala na rin sa kaniyang mga anak at 83-anyos na ina, delikado man sa kaniyang kalagayan bilang bulag, nagpasya si Coper na umuwi na lang sa Pampanga kahit pa maglakad lang
Nitong Martes dakong 1:00 p.m., sinimulan ni Coper ang paglalakad hanggang sa makita siya ni Ron Escano sa Araneta Avenue, Quezon City.
"Tinanong namin kung saan siya pupunta at sagot niya Pampanga. Wala raw tumutulong sa mga official sa barangay tapos tumutulong siya sa officials ng Manila ata, wala pa rin daw tulong na ibinibigay sa kanya," ani Escano.
Dahil hindi raw alam ni Escano kung saan dadalhin si Coper, kinuha na lang nito ang cellphone number nito para oras-oras na tatawagan at alamin ang kalagayan.
"Every hour tinatawagan ko siya. Sabi ko, paano niya malalaman 'yung daan. Sabi niya, guided naman daw siya sa daan, nag tatanong naman daw siya sa mga tao doon," kuwento ni Escano.
Upang makahanap naman ng ibang tutulong kay Coper, nagpasya si Escano na i-post sa social media ang sitwasyon ni Coper.
At nang makarating na si Coper sa Monumento papuntang Mac Arthur Highway pagsapit ng 10 p.m., may mga awtoridad nang umalalay sa kaniya.
Kinausap raw ng barangay ang pulis sa North Luzon Expressway upang mahatid si Coper. Sakay ng delivery truck ng soft drink, nakapunta si Coper mula Valenzuela papuntang San Fernando, Pampanga.
Matapos nito, sinundo naman siya ng mga tauhan sa Barangay Duque upang maihatid sa kaniyang bahay.
"Makakatulog na siguro ako. Palagi kong iniisip mga anak ko. 'Di ako makatulog araw-araw, ma'am, eh. Hindi ako nakakatulog sa gabi, ma'am. Nag-aalala ako sa mga anak ko na paano na saka nanay ko na 83 years old," sabi ni Coper.
"Sa mga tumulong sa akin, sa nag-assist sa akin, especially po sa barangay po doon sa nag-rescue sa akin, maraming salamat po sa kanila. Sana po ay pagpalain po sila ng Panginoon," idinagdag nito.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News
