Isang kotse at tren ng Philippine National Railways (PNR) ang nagkabanggaan nitong Miyerkoles ng umaga sa Maynila.

Galing ang tren sa Governor Pascual station sa Malabon bandang 4:50 a.m. nang makabanggaan ang isang puting kotse sa may Abad Santos Avenue, ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Dobol B sa News TV.

 

 

 

Pinilit umano ng kotse na tumawid sa riles kahit na may paparating na tren.

May mga tatlumpung pasaherong sakay ang tren nang mangyari ang aksidente.

Wala naman daw nasaktan sa aksidente, ayon kay PNR spokesperson Joseline Geronimo.

Nailipat ang mga pasahero sa ibang tren.

Pasado 6:30 a.m. na nang maialis sa riles ang naaksidenteng tren at kotse.

Bukod sa damage na natamo ng kotse, may damage din sa tren at kailangan daw kumpunihin ito, ayon sa PNR.

Kasalukuyang normal na ang operasyon ng PNR.

Ayon naman kay PNR general manager Junn Magno, may "absolute right of way" ang mga tren batay sa Republic Act 4136 section 42D.

"'Yung kotse binangga ang tren, not the other way around," aniya.

 

 

 —KG, GMA News