Aabot sa mahigit P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula sa isang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Marikina City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Abas Darimban, residente ng Bacoor, Cavite na umano'y target ng mga pulis sa operasyon. Aabot sa 450 gramo ng shabu ang nasabat sa kaniya.

Inginuso raw ang suspek ng mga dati nang nakatransaksiyon na nauna nang naaresto ng mga otoridad.

"Sa information namin, pangalawang beses na niyang nakarating sa Marikina," ani Police Colonel Restituto Arcangel ng Marikina Police.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. --KBK, GMA News