Isang mag-ama sa Caloocan ang pinatay umano ng mga lalaking hinahanap ang kanilang kaanak na sangkot umano sa droga, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.

Isang oras bago mag-hatinggabi nitong Linggo, pinasok ng mga armadong lalaki ang bahay ng mga biktima sa North Caloocan at pinagbabaril sina Monico at Jerico Labarigo.

Hinahanap daw ng mga lalaki ang isang nagngangalang Baet, na manugang ng isa sa mga biktima.

"Doon sa kuwarto, hinihila yung anak ko. Sabi ko hindi yan si Baet. Anak ko kako yan," ani Ligaya Labarigo, kaanak ng mga biktima.

Dagdag pa ni Ligaya, unang pinatay ang kaniyang anak bago ang kaniyang 66-taong gulang na asawa.

Naganap daw ang krimen sa harap ng limang bata na sa kabutihang palad ay hindi nasaktan.

Hinala ng kaanak ng mga biktima, ang pagkakasangkot ni Baet sa droga ang dahilan kung bakit siya hinahanap ng mga lalaki.

Hustisya ang hiling ng pamilya Labarigo. —KBK, GMA News