Isang lalaki ang nakitang nakagapos sa poste ng kuryente at nakabalot ang mukha sa Quezon City nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Dobol B sa News TV, nakita ng isang street sweeper bandang alas-5 ng umaga ang lalaki sa poste sa gilid ng opisina ng National Power Corporation sa may Agham Road.

 

 

Nakabalot ang buong mukha nito ng electrical tape.

Nakasuot ng dilaw na T-shirt at pulang shorts ang lalaki. Wala itong tsinelas.

May tattoo rin daw ito sa kanang binti.

Hindi na gumagalaw ang lalaki at nakatingala ito.

Nitong pasado alas-7 ng umaga ay nandoon pa sa lugar ang lalaki. Hinihintay ng mga taga-barangay ang padating SOCO ng pulisya. —KG, GMA News