Namataan ang ilang ostrich na tumatakbo at tila pagala-gala sa isang pribadong subdivision sa Quezon City nitong Martes.

Ayon sa YouScooper na si Dino Rivera, may bibilhin lang sana siya nang makita niya ang isang ostrich na tumatakbo sa kanilang kalsada.

Sa isa pang kuha, kamuntikan namang makalabas ng gate ang ostrich pero napigilan ito ng guard.

"Wala kang ID, hindi ka pwede lumabas...wala kang gate pass," biro ng isang residente sa lugar.

Sa tulong ng mga security guard, construction worker at ilang residente, nahuli ang isa sa mga ostrich.

 

Ayon kay YouScooper Gorgeous Umipig, isa ito sa dalawang ostrich na nakita niya. Habang hinuhuli ang isang ostrich, tumatakbo naman daw palayo ang isa.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung saan nanggaling ang mga ostrich.

Nag-trend naman sa Twitter ang "Jumanji" nang kumalat sa Twitter ang video ng tumatakbong ostrich. —LDF, GMA News