Sumuko na ang driver ng sasakyang nakabundol at nakapatay sa nurse na si Renz Jayson Perez noong Agosto 23, ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno.

Sa Facebook live, kinilala ni Moreno ang suspek na si Mohammad Ali Sulayman.

Humingi ng paumanhin si Sulayman sa pamilya at mga kaanak ni Perez. Hindi umano kaagad siya sumuko dahil sa takot.

"Gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa nagawa kong aksidente at ako'y di muna lumitaw dahil ako'y nadala sa aking takot at ako'y naghahanap muna ng malalapitan na puwedeng tumulong sa akin," sabi ni Sulayman.

"Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran sa nagawa kong aksidente. Sana mapatawad ninyo ako sa nagawa kong kasalanan," patuloy niya.

Una rito, kinilala ng Manila Police District ang may-ari ng sasakyan na si Saudah Bacaye.

Sa imbestigasyon, sinabi ng pulisya na idinahilan ni Bacaye na dalawang linggo nang hiniram ang kaniyang sasakyan kaya hindi niya alam na nasangkot ito sa aksidente.

Nangako naman ang kampo ni Bacaye na tutulong sa imbestigasyon at tutulungan din ang pamilya ni Perez.—FRJ, GMA News