Laking takot at halos mapaanak umano ang isang babae na siyam na buwang buntis dahil sa ginawang panghihipo sa kaniya ng isang rider sa Ususan, Taguig City.

Sa Twitter post na nag-viral kamakailan, ipinakita ng biktima ang kuha sa CCTV sa nangyaring insidente.

Naglalakad noon sa kalye ang biktima nang may tumigil na motorsiklo sa kaniyang harapan at kinausap ang babae.

Ayon sa biktima, umaga raw noon at bumili siya ng pandesal.

“This man approached me, kita sa vid para daw mag tanong kung saan yung address na sinabe nya, syempre kala it delivery guy sya kaya sabi ko ‘kuya di ko alam eh, pero baka doon or doon pero nasa tamang street kayo,’” anang biktima.

Pero maya-maya lang, dinakma na ng lalaki ang dibdib ng biktima.

“I didn’t even finished what I’m saying kasi bigla nyang dinakma yung dede ko,” anang babae na nakasuot ng maluwag na T-shirt at shorts.

“I’m horrified. Sino nasa tamang katinuan ang manggo-grope sa umaga at sa buntis pa?!” patuloy niya.

Napansin din umano ng biktima na namumula ang mata ang lalaki kaya lalo siyang natakot.

“Nung tinignan ko muli yung face nya, eyes and nose lang kita. Yung eyes nya namumula. I was so scared,” kuwento niya.

Mabilis umanong umalis ang rider nang mahawakan ang kaniyang dibdib.

Isang kalye lang umano ang layo ng bakery na pinagbilhan niya ng pandesal mula sa kaniyang bahay.

“Napakalakas naman ng loob mo kuya para mang GROPE ng buntis?! Gaano ka ba kalibog sa ganong oras? ALASAIS NG UMAGA? Grabe trauma ang inabot ko sayo. Kung may asawa at anak ka man, NAPAKASAHOL MO,” galit na pahayag niya.

Sa Twitter, ipinagtanggol din ng babae ang kaniyang sarili mula sa puna at komento ng ilang netizen.

“Sa mga taong sasabihin jan na, ‘Baket di mo sinipa yung motor?’ Buntis po ako at kabuwanan ko na, sensitibo po ang pagbubuntis ko kaya inisip ko din yung kapakanan ng anak ko,” paliwanag niya.

“‘Baket di ka sumigaw?’ Alasais ng umaga. Halos lahat ng tao sa subdivision namin ay tulog pa, sumigaw ako pero wala po talagang makakadinig. At ng taga dito sabi , first time it happened ever in this lifetime,” patuloy niya.

Nilinaw din niya na may pahintulot sa kaniya ang kaniyang duktor na lumbas ng bahay dahil kabuwanan na niya at dalawang linggo na lang ay manganganak na siya.

Mag-isa rin lang umano siya dahil may online class ang kaniyang partner.

“Tbh, nung nangyare yan pagkauwi ko iyak lang ako ng iyak. Na para bang nandon padin yung kamay nya. It’s not easy. That feeling triggered me and I almost gave birth,” aniya.

“Ngayon niyo sabihing namamanyak ang mga babae dahil sa suot nila? Taena buntis nga minamanyak pa eh!” sabi pa ng biktima.

“To you Mr. Manyak, rot in hell. I almost gave birth dahil sa stress at shock,” galit na sabi pa ng biktima. – FRJ, GMA News