Isang bangkay ng isang lalaki ang natagpuan kasama ng mga inanod na basura sa tabing-ilog sa Quezon City, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Natagpuan ang bangkay sa Barangay Talayan matapos humupa ang matinding ulan nitong Lunes. Tadtad ito ng tattoo at puno ng gasgas sa katawan.

Ayon sa residenteng si Jeanette Vergara, naglilinis sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang anak nang mahawakan nito ang paa ng bangkay.

Bagama't sanay na sa baha ang mga residente malapit sa tabing ilog, ito raw ang unang pagkakataon na may inanod na patay na tao sa lugar.

Hindi raw tagaroon ang lalaki at posibleng inanod lang ito mula sa ibang lugar. Patuloy na inaalam ng otoridad ang kaniyang pagkakakilanlan. —KBK, GMA News