Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng salaring nakasakay sa motorsiklo sa Tondo, Maynila. Ang biktima, tinangka raw lumaban pero naunahan siya ng hitman.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Police Sergeant Dranreb De Castro, na kaagad namatay sa pinangyarihan ng pananambang sa Vitas, Tondo.

Sa paunang imbestigasyon, sakay din umano ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ng salarin.

Matapos matumba, inikutan pa umano ng hitman si De Castro at muling binaril nang malapitan bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo.

Ayon sa ilang residente sa lugar, limang putok ng baril ang kanilang nadinig.

Nagtangka rin daw lumabas ang biktima at bumunot ng baril pero naunahan siya ng salarin.

Sa Twitter post ni dzBB reporter Isa Avendaño-Umali, sinabing angkas ni De Castro ang asawa nang mangyari ang insidente.

Nagtamo umano ng sugat ang babae at dinala sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA News