Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na riding in tandem na bumaril sa isang rider at tinangay ang kaniyang pera at motorsiklo sa Valenzuela City.

Sa Facebook page ng Valenzuela City, inilabas ang larawan ng dalawang suspek na kinilalang sina Rico Reyes, alyas "Moja" at Narciso Santiago. alyas "Tukmol."

"WANTED! Natukoy na ng pulisya ang 2 suspek na sangkot sa pagpatay, pagnanakaw at carnapping na ikinamatay ni Niño Luegi Hernando noong Oktubre 9, 2020. 300,000 Pesos pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon sa kanilang lokasyon," saad sa caption ng post.

Sa kuha ng video nang mangyari ang krimen, makikita si Luegi na sakay ng motorsiklo at binabagtas ang Barangay Paso de Blas nang lapitan siya mula sa likod ng mga salarin at binaril.

READ: Riding-in-tandem murder, rob motorcyclist in Valenzuela

Nang matumba ang biktima, kinuha ng mga salarin ang kaniyang bag na may lamang pera at tinangay ang kaniyang motorsiklo.

Napag-alaman na galing noon sa bangko ang biktima at posibleng doon pa lang ay minanmanan na siya ng mga salarin at sinundan.-- FRJ, GMA News