Patay ang isang dayuhang lalaki matapos siyang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin sa Libertad, Pasay City.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing natagpuan ang lalaki na nakahandusay at wala nang buhay pasado hatinggabi sa nasabing lugar.

Duguan ang biktima at nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Nakunan ng CCTV ng isang establisyimento ang pamamaril, kung saan makikita sa lugar ang biktima na naka-jacket at face mask.

Ilang saglit lang, lumapit ang isang lalaking naka-face mask din sa kaniyang likuran saka binaril sa ulo ang biktima.

Nagtungo sa crime scene ang isang babae na sinabing kakilala niya ang biktima na mayroon umanong bar sa Parañaque.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang passport, clutch bag at cellphone ng biktima.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News