Nagtamo ng mga sugat sa ulo ang dalawang batang magkapatid matapos silang mahulog sa escalator kasama ang sinasakyang stroller ng nakababatang kapatid sa isang shopping mall sa Russia.

Sa isang video na mapapanood din sa GMA NewsFeed, makikita na pababa ang magkapatid sa escalator kasama ang isa pang bata na kanilang kaibigan.

Tulak-tulak ng nakatatandang kapatid na babae ang stroller ng kaniyang kapatid at matagumpay niya itong naisampa sa escalator, habang inaalalayan naman siya ng kaibigan.

Ngunit nang bumaba na ang stroller sa escalator, dito na ito nagpasirko-sirko.

Nakakapit sa stroller ang nakatatandang kapatid kaya napasama rin siya sa pagkahulog.

Agad namang napatakbo ang kanilang kaibigan para humingi ng tulong.

Batay sa mga ulat, nasa loob ng store ang mga ina ng mga bata at nagsusukat ng damit.

Dinala sa pinakamalapit na ospital ang magkapatid matapos magtamo ng mga sugat sa ulo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at wala pang linaw kung may pananagutan ang mga ina ng mga bata dahil sa kapabayaan nila umano. —LBG, GMA News