Limang menor de edad na babaeng ibinubugaw umano online ang nasagip ng mga pulis sa Pasig City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Arestado naman ang bugaw na isa ring menor de edad matapos magsagawa ang mga otoridad ng entrapment operation sa Barangay Pinagbuhatan nitong Miyerkoles ng gabi.

Tatlo sa mga nasagip ay may edad 16 taon habang ang dalawa naman ay 15 taon.

Kapitbahay daw ng isa sa mga biktima ang nasabing bugaw na tumangging magbigay ng pahayag. Nangako raw ito na bibigyan ang mga biktima ng P1,500 bawat isa.

Ayon sa otoridad, ibinubugaw ang mga biktima sa halagang P3,000.

Itu-turn over ang mga biktima sa Department of Social Welfare and Development habang ang bugaw naman ay sasampahan ng reklamong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking of Persons Act.  —KBK, GMA News