Pinagbabaril at pinatay sa bakuran ng kaniyang bahay ang punong barangay ng Hulong Duhat sa Malabon nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat ni Divine Reyes sa Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Anthony Velasquez, 40-anyos.

Ayon sa public information office ng Malabon, naganap ang krimen dakong 4:00 pm sa bakuran ng bahay ni Velasquez.

 

 

Naisugod pa sa ospital si Velasquez pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon kay Bong Padua, public information officer ng Malabon, nakatatanggap umano ng banta sa buhay si Velasquez mula sa ilang grupo na sangkot sa droga dahil ipinatupad na anti-drug campaign ng biktima.

Iniutos naman ni Northern Police District chief Eliseo Cruz na dagdagan ang puwersa ng pulisya matapos ang insidente at nagaganap na iba pang insidente ng krimen.--FRJ, GMA News