Huli sa CCTV ang pagpatay sa isang lalaking nasa drug watchlist sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Sa video, makikitang naglalakad ang isang lalaki nang bigla siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa kanto ng Pacheco at Madrid Streets nito lamang Lunes ng gabi.

Bagama't nakahandusay na ang biktima, binaril pa rin ito ng isa pang riding in tandem na dumating.

Kinilala ang biktima na si Rolando delos Reyes, 46 taon. Ayon sa pulisya, user si Delos Reyes ng iligal na droga kaya kasama ito sa drug watchlist ng Barangay 67.

Inaalam pa ng pulisya kung sangkot si Delos Reyes sa pagbebenta ng iligal na droga at kung may kinalaman ito sa pagpatay sa kaniya. —KBK, GMA News