Matapos ang isang linggong paghihintay, naipasok na sa ospital si dating San Juan Mayor Guia Gomez na positibo sa COVID-19 at may pneumonia, ayon sa kaniyang anak na si dating Senador JV Ejercito.

Sa Facebook post, sinabi ni Ejercito na isang linggo nang binigyan ng gamot ang kaniyang 79-anyos na ina sa bahay habang naghihintay ng bakanteng kuwarto sa ospital.

Nagpositibo sa virus si Gomez noong Abril 23.

Pero ayon kay Ejercito, tinamaan na rin ng COVID-19 ang kaniyang ina noong Disyembre.

"Matapos lumabas noon Disyembre si Mayor Guia, at ngayong Abril si President Erap, ngayong araw balik ospital na naman si Mayor Guia dahil sa pneumonia at COVID," sabi ni Ejercito, na anak ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Tumagal ng isang buwan sa ospital si Estrada bago nakalabas dahil sa COVID-19.

Humingi naman ng panalangin si Ejercito para sa paggaling ng kaniyang ina. --FRJ, GMA News