Patay ang isang lalaki sa Parañaque City matapos pagbabarilin, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Pinatay si Darvin Baldovino ilang araw bago ang kaniyang ika-39 kaarawan sa Sabado. Ayon sa asawa ng biktima na si Janice, marami raw itong kaaway.

Kuwento ni Janice, nagpaalam si Baldovino na may kukunin lang na cellphone pero hindi na ito nakabalik. Nalaman daw niya na dinala ito sa barangay matapos may magreklamo.

Ayon kay Rose Diestro, desk clerk ng Barangay Tambo, inirereklamo si Baldovino ng pambabanta. Nakaharap daw ni Baldovino ang nagrereklamo sa kaniya sa barangay pero hindi sila nagkasundo.

"Hindi sila nagkasundo kasi nag-walkout siya, umalis siya," ani Diestro.

Pauwi na raw si Baldovino nang bigla itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin. Agad na tumakas ang gunman.

Aminado si Janice na masyadong mainitin ang ulo ng asawa.

Inaalam pa ng otoridad kung may kaugnayan sa krimen ang reklamo laban sa biktima. —KBK, GMA News