Nasawi ang isang 14-anyos na lalaki matapos siyang aksidente umanong mabaril sa mukha ng kaniyang kaibigan sa Santol, La Union.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Raffy Olario, 22-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo sa kasalan ang suspek at biktima, kasama ang dalawa pa nilang kaibigan at doon na rin nakitulog.

Pero nagulat na lang daw ang dalawang kaibigan nila nang makarinig sila ng malakas na putok.

Nakita umano ng dalawa na may hawak na baril si Olario at duguan na ang biktima.

Ayon pa sa pulisya, lumilitaw sa imbestigasyon na pinilit ng suspek na i-revive ang biktima at naghanap pa ito ng sasakyan para itakbo ang binatilyo sa ospital.

Sa salaysay umano ni Olario sa pulisya, napulot lang daw niya ang baril sa lugar at aksidente lang ang pagkakabaril niya sa biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

Samantala, isang 30-anyos na security guard sa Asingan, Pangasinan ang nasawi matapos saksakin ng kaniyang kapatid.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek pero sinabi ng isa pa nilang kapatid na dati nang may alitan ang dalawa at ilang beses pa silang pinag-ayos sa himpilan ng pulisya bago mangyari ang insidente. --FRJ, GMA News