Lumikha ang isang ama ng bahay na umiikot nang 360 degrees para iba't ibang views ang nakikita ng kaniyang pamilya sa Bosnia and Herzegovina.

Ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, inilahad ng padre de pamilya na si Vojin Kusic na ipinaayos dati ng kaniyang asawa ang loob ng kanilang bahay at ipinalipat ng puwesto ang ilang kwarto para maiba ang kanilang view.

Gayunman, hindi pa rin nagustuhan ng kaniyang asawa ang view nang mailipat na niya ang mga kwarto.

Pero para hindi na siya mag-ayos pa at hindi na magreklamo ang kaniyang maybahay, ginawa niya na lang na umiikot ang bahay.

Biro ni Kusic, puwede nilang ipaikot ang bahay kapag may bisitang ayaw nila.

Umabot ng anim na taon ang paggawa sa umiikot nilang bahay.

Maaari ring palitan ang bilis ng pag-ikot nito. Pinakamabilis ang 22 segundo samantalang pinakamatagal ang 24 oras. — Jamil Santos/VBL, GMA News