Apat na ang iniulat na mga preso na nagawang makatakas sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) na pawang mabibigat ang kasong kinasangkutan. Ang dalawa sa kanila, napatay habang tinutugis ng mga awtoridad.

Ayon kay Bureau of Correction (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, ang ikaapat na preso na natuklasang nakatakas ay si Chris Ablas, nakulong sa kasong robbery with homicide.

“Please be informed that one more PDL (person deprived of liberty) identified as PDL CHRIS Candas ABLAS  N217P-4392 of Dorm  8C-2 was reported missing up to present with possibility as the 4th and unidentified escapee who was involved  in the prison escape incident yesterday on 17 Jan 2022,” pahayag ni Chaclag.

Ang isa pang hinahanap ay si Drakilou Falcon, na nakulong sa kasong robbery with homicide at illegal possession of firearms, at may nakabinbin pang kaso na double murder, frustrated murder, attempted murder, at robbery.

Napatay naman sa manhunt operation ang dalawa pang nakatakas na sina Pacifico Adlawan at Arwin Bio, matapos umanong makibarilan sa mga awtoridad.

Sa nangyaring pagtakas nitong Lunes ng madaling araw, tatlong jail guard at isang bilanggo ang nasugatan.

Armado umano ng mga baril ang mga nakatakas na bilanggo.

Iniimbestigahan pa kung papaano nagkaroon ng baril ang mga nakatakas na bilanggo.

“Maximum Security Compound is still placed on lockdown status as of this time while recovery efforts are still ongoing,” ayon kay Chaclag. —FRJ, GMA News