Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kainuman sa Quezon City. Depensa ng suspek, nakita niyang pinagsasamantalahan umano ng biktima ang isa pa nilang kainuman na babae.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Juancho Diego.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek na si Cristo Orano, at inamin niya ang ginawang krimen.

Ayon sa suspek, nag-iinuman sila ni Diego kasama ang kaniyang kaibigang babae sa gilid ng bangketa sa Visayas Avenue.

Pinag-iinteresan umano ni Diego ang kaibigan niyang babae kaya pinagsabihan niya ito.

"Sabi ko po sa kaniya tigilan niya na yung babae. Tapos sabi niya kaniya raw yung babae," ayon kay Orano.

Sandali raw siyang umalis para bumili ng sigarilyo at nang bumalik siya ay nakita niyang pinagsasamantalahan na umano ni Diego ang babae.

Dito na niya pinagsasaksak ang biktima, na duguang bumulagta sa bangketa.

Ayon kay Orano, hindi niya pinagsisisihan ang ginawa dahil tinalo umano ng biktima ang kaniyang kaibigan at humingi raw ng tulong ang babae.

Napag-alaman na sa bangketa lang naninirahan ang suspek at biktima.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News