Patay ang isang Nigerian national matapos umanong manlaban sa buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang insidente sa Batasan-San Mateo Road nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang Nigerian na target ng operation. Isang kilo ng umano'y shabu ang nabili sa kaniya, ayon sa mga operatiba.

May isa pang kasamang Nigerian ang suspek na nakatakas sakay ng isang kotse.

"Itong namatay nakipag-engage sa mga pulis natin," ani Police Lieutenant Colonel Alex Sonido, hepe ng Batasan Police Station.

Samantala, basag naman ang mga salamin ng isang police mobile matapos tamaan ng mga bala. Hindi naman nasaktan ang mga sakay nitong pulis.

Nakuha mula sa napatay na suspek ang nasa dalawang kilo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon. —KBK, GMA News