Patay ang isang babaeng senior citizen matapos mabundol ng kotse sa Maynila noong Miyerkules.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes na ayon sa mga pulis, nakaimon ang driver ng kotse.

Sa inisyal na imbestigasyon, patawid na sana ang 68-anyos na biktima sa kanto ng Onyx at Pedro Gil Streets sa Maynila pasado alas-tres ng madaling-araw.

Walang anu-anoy may humaharurot na kotse batay sa kuha ng CCTV sa lugar at biglang sinalpok ang babae, na tumilapon ng ilang metro bago tumama sa center island.

Sa isang anggulo ng CCTV, kitang bumangga ang isang kotse sa nakaparadang Jeepney.

Agad na dinala sa ospital ang biktima pero binawian ito ng buhay. Kinlala ang biktima na si Adelaida Leyva, 68-anyos.

Kuwento ng kanyang anak, papasok na sana ang kanyang nanay sa pinagtatrabahuang canteen ng mangyari ang insidente.

Agad namang nahuli ang driver ng kotse na si Mark Alan Santos, na ayon sa police report ay nakainom.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Manila District Traffic Enforcement Unit.

Hindi siya nakapagbigay ng pahayag sa media. Pero sa salaysay niya sa pulis, hindi umano niya nakita ang biktima.

Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng reklamo ang suspek. —LBG, GMA News