Patay ang isang truck driver matapos pagbabarilin sa Caloocan City nitong Linggo ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Randy Lampayo, 32-anyos, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ayon sa kasamahan ng biktima, nagpapahinga sila sa truck na nakagarahe sa C3 Road sa Dagat-Dagatan bago mag-alas-nuwebe ng gabi nang mangyari ang insidente.

Nakarinig daw siya ng tatlong beses na putok ng baril, at kalaunan ay nalamang ang kasamang driver pala ang tinamaan.

Nagtamo ng tama ng baril sa ulo ang biktima.

Narekober ng pulisya ang tatlong basyo ng bala mula sa isang .45-kalibreng baril, sachet na may hinihinalang shabu, at plastic na supot na may traces umano ng hinihinalang shabu.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para malaman ang posibleng motibo sa krimen. —KG, GMA News