Nahuli-cam ang saksakan ng magkapitbahay sa Tondo, Maynila na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa kanila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkules, nagtalo ang magkapitbahay na sina Alfredo Aboy at Abrico Zerrudo bandang ala-una ng madaling-araw nitong Martes sa panulukan ng CP Garcia at Cristobal Streets sa Barangay 123, Tondo, Maynila.

Matapos magsagutan, nagpambuno ang dalawa. Hindi nahagip sa CCTV ang mga sumunod na tagpo. Pero makikita na lamang uli si Aboy na unti-unting natutumba. Nasaksak na pala ito.

Dead on the spot si Aboy. Sugatan din ang suspek na si Zerrudo, kaya agad siyang isinugod sa ospital.

Iniwan ni Alfredo ang tatlong maliliit na anak.

Batay sa record ng barangay, pareho umanong walang masamang record ang suspek at ang biktima.

Maling akala raw ang ugat ng pag-aaway, at makakaibigan ang dalawa at medyo nakainom lamang, batay sa pahayag ng ni Barangay Kagawad Emelita Dailisan Molina.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumilitaw na gumamit ng balisong ang suspek, pero dumepensa ang biktima gamit ang gunting.

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital ang suspek.

Reklamong murder ang maaaring isampa laban sa kanya, ayon sa ulat. —LBG, GMA News