Nilagyan ng ala-traffic light na mga bagong timer ang 13 istasyon ng EDSA Carousel stations para mas umayos umano ang biyahe ng mga bus.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nasusunod, so far, ang oras ng timer at mabilis ang usad ng mga bus. 

May tatlong ilaw din ang timer, sa itaas ay stop-sign, may pang-gitnang timer at yung sa baba ay yung go-sign at kailangan nang umandar ang bus.

Ayon umano sa ilang mga bus driver, mas-okay ang may timer. Ang mga pasahero iba-iba ang reaksyon. May nagsasabing okay kasi mas mabilis makakasakay. Ayon naman sa isang pasahero, okay siya pero baka maging sanhi ng aksidente dahil nagmamadali ang mga sasakay.

Kinabitan ng DOTr at MMDA ng bus timer ang 13 stations ng EDSA Carousel. Layon nitong mapadali at maisaayos ang sistema ng pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa EDSA busway.

Bukod dito, plano rin umano ng DOTr na magdagdag ng istasyon ng EDSA Carousel, kabilang sa mga tinitingnan ang Kamuning, Tramo, at Magallanes.

Palalawakin din umano ang mga istasyon na kasalukuyang nakatayo sa Monumento, Bagong Barrio, at sa Guadalupe.

Aabot na umano sa 550 buses ang tumatakbo sa EDSA Busway, at ayon sa DOTr inaasahang madadagdagan pa ang mga bus bilang paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan. —LBG, GMA News