Nasawi ang 52-anyos na lalaki na rumesponde para tumulong sa pag-apula ng sunog sa bahay ng kanyang kapatid sa Barangay Pasong Putik, Quezon City pasado ala-una ng madaling araw ng Miyerkoles.
Ayon sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), na-suffocate ang lalaki.
Naisugod pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
“Pumasok daw po si tatay sa loob then nang tumutulong maghatak ng hose para matulungan mawala 'yung sunog. Nahimatay na po siya doon; sini-CPR na siya, then proceed na sa ambulance. Habang nasa ambulance, sini-CPR din si tatay hanggang pagdating sa Tala Hospital. Dead on arrival na po si tatay,” ani Irene Paderanga, ang team leader ng BHERT ng Pasong Putik.
Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.
Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula bago mag-alas tres ng madaling araw.
Ayon sa Quezon City Fire District, (QCFD), 15 bahay ang nasunog. Apektado ang 25 pamilya.
Iniimbestigahan pa kung saang bahay nagsimula ang apoy at kung ano ang posibleng sanhi nito.
“Yung papunta rito sa sunog natin makitid po talaga tapos may double parking pa na nakapark sa kalsada so mabilis natin itinaas sa third alarm 'yung sunog para maapula kaagad. 'Yung mga kasama nating bombero naglatag na lang ng maraming hose kasi nasa banda 'yung area ng origin ng sunog,” ani Fire Insp. Erickson Guila, station 5 commander ng QCFD.
Isang fire volunteer rin ang nasugatan sa insidente.
Inalaam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala. —AOL GMA News
