Hinikayat ni Senador Kiko Pangilinan ang kapuwa niya senador na si Robin Padilla na huwag maging balat sibuyas. Nais naman ni Padilla, na alisin sa record ng plenaryo ang naturang pagtaas ng boses sa kaniya ni Pangilinan at humingi sa kaniya ng paumanhin.

Sa isang pahayag ni Pangilinan na iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles, iginiit niya na sadyang hindi maiiwasan ang mainit na debate sa Senado na pumupunta minsan sa taasan ng boses o sigawan.

"Huwag maging balat sibuyas. Walang legal na basehan at walang kuwenta ang ethics case complaint na 'yan. Hintayin na lang natin 'yung reklamo niya," sabi ni Pangilinan.

"Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kaniyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka-recess," pagpapatuloy ni Pangilinan.

Ayon pa sa senador, hindi siya pasisindak sa mga pambu-bully umano mula sa mga kapuwa senador.

"Hindi uubra ang pambubully at pa siga-siga sa akin. Mas may basehang kasuhan 'yang pasiga-siga, pambabastos at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record," sabi ni Pangilinan.

"Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman kung ang gusto ay ganitong walang kuwentang kasuhan," sabi niya sa pagtatapos ng kaniyang pahayag.

Nagkaroon ng tensyon sa Senado nitong Martes sa pagtalakay ng mga senador sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa sesyon ng plenaryo, gumawa ng manipestasyon si Padilla at nagtanong kung maaari bang sumigaw ang mga senador sa mga katrabaho nito.

Naganap nito matapos magkainitan ang mga senador sa palitan ng mga argumento sa pagtalakay ng ICC arrest warrant.

"Gusto ko lang ireklamo si Senator Pangilinan sa pagsigaw. Meron po ba sa rules natin na sinasabi na pwede mong sigawan ang kapwa mo senador?" sabi ni Padilla.

Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na maghahain siya ng reklamo laban kay Pangilinan sa Senate Ethics Committee kung tatanggi ang huli na humingi ng paumanhin.

Sa sesyon ng Senado ngayong Miyerkoles, hiniling ni Padilla na alisin sa record ng plenaryo ang naturang pagtaas ng boses sa kaniya ni Pangilinan.

Iginiit niya na hindi niya matatanggap na mababasa sa kasaysayan ng kapulungan na ang isang Muslim na senador ay sinisigaw-sigawan sa loob ng session hall habang ginagawa ang kaniyang tungkulin.

Ipinaliwanag din ni Padilla na hindi niya inabot ang kaniyang kamay nang makikipagkamay sa kaniya si Pangilinan nitong Martes dahil hindi umano magiging bahagi ng record ng Senado ang naturang aksyon ng pakikipagkasundo.

Nais ni Padilla na humingi sa kaniya ng paumanhin si Pangilinan na naka-record din sa plenaryo.

Bilang tugon sa sinabi ni Padilla, iginiit ni Pangilinan na hihintayin na lang niya ang isasampang reklamo ng actor-politician sa Ethics committee laban sa kaniya.

Iginiit din ni Pangilinan na may mga mas mahahalagang usapin na dapat na talakayin ng Senado. – Jamil Santos/FRJ GMA News