Inaasahan na magkakaroon muli ng malakihang bawas sa presyo ang diesel sa susunod na linggo, habang ang gasolina, tataas na naman ang halaga. Bakit nga ba hindi sabay ang bawas-presyo ng dalawa? Alamin.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing asahan ang rollback sa presyo ng diesel sa susunod na linggo na aabot ng P9 hanggang P12 per liter, batay sa resulta ng limang araw na kalakalan sa krudo sa world market.
BASAHIN: Presyo ng diesel may bawas, gasolina posibleng may dagdag sa susunod na linggo
“Inaasahan namin kung tutuloy-tuloy ang pagbaba, malakihan pa rin po ang madadagdag diyan,” ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad sa panayam ng Super Radyo DZBB.
Gayunman, dagdag na P1.60 hanggang P1.70 per liter ang posibleng magiging pagtaas sa presyo ng gasolina.
Sa kasalukuyan, ang Department of Energy ang nagtatakda ng pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa umiiral na state of national energy emergency.
Dahil dito, isinusulong ng ahensya ang mas mabilis na pagtugon ng presyo ng langis sa Pilipinas ayon sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
"We've been fighting with the price cost recovery method. Dapat kung gaano kabilis mag-increase, 'pag bumaba, dapat ganun din kabilis," ayon kay Abad.
Ang ilang tsuper, nagtataka kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng gasoline habang bumababa na ang diesel.
Ipinaliwanag ng DOE na magkaiba ang demand o pangangailangan ng mundo para sa diesel at gasolina.
Mas mataas umano ngayon ang demand sa gasolina dahil panahon na ng tag-init sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
"Papuntang summer season na at palakas na ang demand sa gasolina. Kung naalala n'yo, dito din sa pag-i-increase ng volatility dahil doon sa Iran-US war, eh hindi pumalo masyado ang gasolina… because at that time, itong early February up to March, actually January pa lang up to March, ay hindi pa summer season sa European countries, sa US [at] sa Mexico," paliwanag ni Abad. – FRJ GMA News