Tadtad ng pasa, latay at sugat sa katawan at mukha ang isang babaeng Vietnamese na sinasaktan umano ng kaniyang among Chinese national sa Parañaque City.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, nasagip ng mga tauhan ng Southern Police District-District Special Operations Unit (SPD-DSOU), ang 26-anyos na biktima sa loob ng condo unit ng kaniyang amo.

Nakita rin sa video ang ginagawang pananakit ng lalaking Chinese sa biktima.

Nasagip ang biktima, at dalawang Chinese ang inaresto.

“Nang atin siyang ipa-medical ay talaga namang kalunos-lunos ang kaniyang sitwasyon dahil halos lahat ng parte ng katawan niya ay may tama ng pananakit,” sabi ni SPD District Director Pcol. Kirby Kraft.

Dagdag ni Kraft, nagsimula raw ang pananakit ng among Chinese sa Vietnamese nang magpaalam ito na nais na niyang bumalik sa Dubai kung saan siya dating nagtatrabaho.

Sinabi pa Kraft na inihayag din ng biktima na nagtangka ng "sexual advantage" sa kaniya ang amo.

Sinampahan na ng reklamong illegal detention, serious physical injury at acts of lasciviousness ang mga suspek.

Sinusubukan pang kuhanan ng GMA News ng pahayag ang mga inaresto. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News