Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos ireklamo ng panghahalay umano sa kaniyang nakainuman, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang panghahalay sa 21-anyos na biktima nitong Biyernes ng gabi sa Project 4.

"May isang grupo ng mga kabataan, dalawang babae, dalawang lalaki. Sabi nitong biktima, naghalinhinan yung dalawang kainuman nila," ani Police Brigadier General Nicolas Torre III, hepe ng Quezon City Police District.

Isa pa lang sa dalawang suspek ang nahuli. Itinanggi niya ang akusasyong panggagahasa. Aniya, wala rin siyang maalala sa mga pangyayari.

"Lasing na lasing po talaga ako," anang suspek. "Sana po maaresto na 'yung talagang gumawa." —KBK, GMA Integrated News