Hinostage ng ama ang kanyang 6-anyos na bunsong anak na babae sa kanilang bahay sa maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pangho-hostage matapos umanong mag-away ang suspek at ang kanyang asawa.

Tumakas sa bahay magaling-araw ang asawa ng suspek, karay-karay ang kanyang panganay at pangalawang anak at naiwan ang bunso dahil tulog pa umano ito.

Sa ulat ni Darlene Cay, sianabing nangyari ang insidente sa Barangay 408, Samapaloc, Maynila.

Hiniling umano ng hostage-taker na makausap ang kanyang asawa at isa pang anak.

Sa litratong ipinadala ng suspek sa kanyang mga kaanak, makikitang nakatutok sa leeg ng bata ang isang patalim.

Na-rescue ng mga pulis ang bata.

Ayon sa asawa ng suspek, hindi raw niya akalaing hahantong sa pangho-hostage ang kanilang away.

Sinabi umano ng suspek wala naman daw siyang balak na saktan ang kanyang anak. Ang nais lamang niya ay makausap ang kanyang asawa.

Inaalam pa ng mga pulis kung sasampahan ng pamilya ng reklamo ang suspek.  —LBG, GMA Integrated News