Nauwi sa engkuwentro ang pagtugis ng mga pulis isang tricycle driver na hindi umano tumigil sa checkpoint sa Quezon City at umabot sa Maynila ang habulan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang tricycle driver na si Christian Acebes, residente ng Barangay 580 sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang mga awtoridad sa Retiro, Quezon City, na hindi umano hinintuan ni Acebes kaya hinabol siya ng mga pulis na nakasakay sa motorsiklo.

Umabot ang habulan sa Sampaloc at doon na umano pinaputukan si Acebes ang mga humabol na pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at tinamaan sa ulo at dibdib si Acebes na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, walang masamang record sa kanilang lugar si Acebes.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may kasong illegal gambling na kinakaharap si Acebes.

Inaalam pa kung bakit may baril si Acebes na posibleng dahilan umano kaya hindi ito tumigil sa checkpoint, ayon sa pulisya.

Ligtas naman ang live in partner ni Acebes na nakaangkas sa tricycle nang mangyari ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News