"Ibinasura" ng Quezon City Regional Trial Court ang mga kasong kinakaharap ng veteran broadcaster Jay Sonza patungkol sa illegal recruitment. Gayunman, mananatili pa rin siyang nakaditene dahil sa iba pang kasong kinakaharap.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, naglabas ng desisyon ang QC RTC Branch 100 na "provisionally" dismissed ang syndicated at large-scale illegal recruitment cases laban kay Sonza.
Ang dahilan nito ay ang hindi pagdalo sa pagdinig ng nagrereklamo laban kay Sonza.
Naglabas din ng katulad na desisyon ang QC RTC Branch 215 sa kasong illegal recruitment case laban sa broadcaster.
Inihayag ni Assistant City Prosecutor Joseph Seares sa inilabas na kautusan na bigo ang private complainants na makipag-ugnayan sa kanila.
"Given the consent of the accused who is virtually present… and in view of the manifestation of the public prosecutor indicating lack of interest to prosecute this case, on the part of the private complainants, the motion of the defense is hereby granted," ayon sa kautusan.
Ipinaliwanag naman ni Bustinera na "provisionally" dismissed na kaso ay maaaring buhayin sa loob ng dalawang taon kapag may panibagong katibayan o dahilan para ipagpatuloy ito.
Gayunman, mananatili pa rin sa piitan si Sonza dahil may kinakaharap pa siyang kaso na 11 counts of estafa sa QC RTC Branch 100 at libel case sa QC RTC Branch 77.
Nakatakdang dinggin ng RTC Branch 77 ang libel case ni Sonza sa Biyernes, August 18, 2023.
Maaari siyang magpiyansa sa naturang kaso sa halagang P10,000 upang pansamantala siyang makalaya.
“Yung libel has bail of P10,000. 'Yung estafa, we are checking pa ,” ayon sa opisyal ng BJMP.
Kasalukuyang nakadetine si Sonza sa Quezon City Jail - Ligtas COVID Center Quarantine Facility sa Payatas, Quezon City.
Naunang iniulat na papaalis ng bansa patungong Hong Kong si Sonza nang pigilan siya ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa airport dahil sa mayroon siyang arrest warrants.
Ayon kay Bustinera, dinala sa pangangalaga nila sa BJMP si Sonza noong August 3, 2023 sa pamamagitan ng commitment order mula sa QC RTC Branch 100.— FRJ, GMA Integrated News
