Dinakip ang isang lalaki sa Alfonso, Cavite matapos niyang makailang ulit na abusuhin umano at mabuntis ang kaniyang sariling anak. Ang suspek, tinatakot ang biktima gamit ang baril at granada.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood na malayo pa lamang nang makita na ng mga awtoridad ang suspek na target ng kanilang operasyon sa nasabing munisipyo.

Paglabas ng suspek sa convenience store, agad na siyang dinakma ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng PRO-4A.

Sinabi ng Calabarzon Police na nag-post online ang anak ng suspek ng larawan ng baril at granada noong 2022.

Ito umano ang ginagamit bilang panakot ng suspek sa anak sa makailang ulit na pang-aabuso sa biktima.

Ayon sa PNP Calabarzon, isinalaysay ng biktima na apat na beses nangyari ang pang-aabuso umano ng sarili niyang ama.

“Nabigla tayo sa revelation na ito palang suspek ay nabuntis siya dahil doon sa pangre-rape ng tatay niya. Pinalaglag niya ito dahil sa utos din ng magulang,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Vic Cabatingan ng PNP Calabarzon. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News