Timbog ang isang Cameroonian matapos siyang magbenta ng dalawang kilo ng pekeng gold pellets sa halagang P4 milyon sa Makati City.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing sinabing na-entrap ang dayuhan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation - Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) sa isang mall sa lungsod.

Isinagawa ang operasyon dahil sa sumbong ng isang complainant na napaniwala matapos siyang pakitaan ng tatlong butil ng pellets na mga tunay na ginto nang ipasuri.

Ngunit sa aktuwal na transaksyon, doon na naganap ang panloloko.

“Sabi ng mga goldsmith, hindi siya gold, puro peke ‘yan. Sabi ko sa kaniya, ‘I-check mo na, pakitunaw.’ Pagtunaw sabi niya… lahat puro peke gold ‘yan,” anang complainant.

Mariing itinanggi ng dayuhan ang paratang sa kaniya.

“I didn’t sell. I showed him. I never said to him that is gold,” anang Cameroonian, na nahaharap sa reklamong estafa.

Hinihikayat naman ng NBI-OTCD ang iba pang posibeng biktima ng fake gold pellet scam na magtungo sa kanilang tanggapan para makapaghain ng dagdag na reklamo.

—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News