Naantig ang isang babae sa isang Aspin na nakipagkaibigan sa kaniya sa daan matapos siyang pilit na habulin nito sa kabila ng peligro sa kalsada.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing pauwi na sa trabaho si Princes Ybañez nang biglang lumapit sa kaniya ang isang asong gala.

Dahil sa kalambingan nito, hinaplos niya ang ulo ng aso.

Ngunit hindi alam ng babae na ito na pala ang kaniyang bagong fur friend.

Nang paalis na si Ybañez, pilit siyang hinabol ng aso kaya hindi niya naiwasang mag-alala.

“After no’n parang nafi-feeling guilty kasi nakita ko sa video nasa gitna siya ng daan tapos parang naawa ako,” sabi ni Ybañez.

Hindi kinalimutan ni Ybañez ang asong nakipagkaibigan sa kaniya.

“Kinabukasan, hinanap ko po siya tapos bumili ako ng chicken. Buti na lang po nakita ko siya sa harap ng hotel, ‘yung kabilang side kaya binigyan ko siya ng pagkain at tubig,” kuwento niya.

Hanggang sa nagsimula na ang hindi inaasahang pagkakaibigan nina Ybañez at Aspin na pinangalanan niyang si Chase.

Binibisita at pinakakain na araw-araw ni Ybañez si Chase tuwing pauwi siya galing sa trabaho.

Napadalas na rin ang kanilang bonding na tila matagal na silang magkakilala.

Gusto man ni Ybañez na iuwi si Chase, hindi pa ito akma sa kaniyang sitwasyon.

“I’m still living sa grandparent’s house so I cannot decide on my own. But as much as I want to adopt Chase po, kung may sarili lang po akong bahay, ia-adopt ko po siya. Kasi may pusa rin po akong in-adopt noong pandemic,” sabi ni Ybañez.

Kung kaya ang iparamdam kay Chase ang pagmamahal ng isang furmom ang magagawa ni Ybañez sa ngayon.

Hiling din niya sa iba pang tao na maging mabuti sa nae-engkuwentrong stray animals.

“Be kind and don’t hesitate to help or feed stray animals po. They just simply want to survive life just like us po, humans,” ani Ybañez. —VBL, GMA Integrated News