Hindi sinipot ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes ang pagdinig ng House Appropriations Committee na sumusuri sa panukalang pondo ng kaniyang tanggapan para sa 2025 na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon. Ang mga kaalyado niyang kongresista, pumalag sa ginagawang pagbusisi sa pondo ng pangalawang pangulo.
Wala ring kinatawan ng OVP na pinapunta si Duterte sa Kamara. Sa halip, isang sulat na may petsang September 10 ang ipinadala ng pangalawang pangulo sa komite para ipaubaya na lang sa mga mambabatas kung ano ang nais gawin sa pondo ng kaniyang tanggapan.
“We defer entirely to the discretion and judgment of the Committee regarding our budget proposal for the upcoming year,” saad sa sulat ni Duterte.
“The OVP has submitted all necessary documentation to the House of Representatives - Committee on Appropriations, including a detailed presentation on the proposed budget for fiscal year 2025," dagdag nito.
Nauna nang ipinagpaliban ang pagtalakay sa pondo ng OVP noong nakaraang Agosto dahil sa pagtanggi ni Duterte na sagutin ang ilang katanungan ng ilang kongresista tungkol sa paggamit niya ng pondo noong 2023--partikular ang confidential funds.
Sa sulat, iginiit ni Duterte na naipahayag na niya ang kaniyang posisyon sa nakaraang pagdinig.
"I have also articulated my position on the issues outlined in my opening statement during the previous hearing on 27 August 2024,” said Duterte in her letter.
Dahil sa hindi pagdalo ni Duterte sa pagdinig nitong Martes, muling ipinagpaliban ang pagtalakay sa pondo ng OVP, batay sa mosyon ni Ako Bicol party-list Representative Raul Bongalon.
Kasama sa mosyon ang kondisyon na posibleng bawasan ang pondong hinihingi ng OVP, o i-"hold" ang ilang partikular na alokasyon habang hindi lubos na natatalakay.
Sa proseso ng pagtalakay ng panukalang budget, kailangan muna itong aprubahan sa komite, bago muling tatalakayin sa plenaryo upang pagbotohan ng lahat ng miyembro ng kapulungan.
May hiwalay na pagtalakay na gagawin ang mga senador sa kaparehong proseso. Sa sandaling maipasa na ang pondo sa dalawang kapulungan, muling magpupulong ang mga miyembro ng bicameral conference committee na binubuo ng ilang kongresista at senador para talakayin at ayusin kung mayroong kaibahan sa bersiyon ng panukala na kanilang inaprubahan.
Insulto
Tinawag naman ni House Assistant Minority Leader at Gabriela party-list Representative Arlene Brosas, pabg-iinsulto sa Kamara ang ginawang hindi pagsipot ni Duterte sa pagdinig.
“Madam Chair, isang insulto sa mga mamamayang Pilipino at sa mga kinatawan dito sa loob ng Kongreso na hinalal ng mamamayan. Ang hiling natin, makapagpaliwanag ng accountability... kasi maraming pa po tayong tanong, kaugnay dito," ani Brosas.
"She may not like our questions last hearing, Madam Chair. She may not like being questioned about the OVP expenses. She may not like sitting with us here in the House. But, Madam Chair, she is accountable to the people and she has this sworn duty to the Constitution, being the head of the agency, to be here,” dagdag niya.
Sinabi naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list lawmaker France Castro na “bratinella talaga” si Duterte.
"It is her duty to answer questions here. This is non-negotiable. There should be no sacred cows in budget hearings. The OVP should be reminded that public office is a public trust. She should be faithful to that trust,” giit niya.
Nauna nang inihayag ni Duterte na hindi siya bratinella o spoiled brat sa pagtanggi na sagutin ang mga tanong ng mga kongresista.
Giit niya, pinupulitika lang siya ng mga mambabatas na hindi niya kaalyado.
Pinuna naman ni Sagip party-list lawmaker Rodante Marcoleta, ang mga pagtatanong sa pondo ng OVP na tila nakalimutan na umano ang pagbibigay-galang o tradisyunal na parliamentary courtesy sa tanggapan ng bise presidente, na inayunan ni Davao city Representative Isidro Ungab.
Nagmosyon si Marcoleta na tapusin na ang pagdinig sa pondo ng OVP, gaya nang ginawa sa hinihinging pondo ng Office of Presidente, na kaagad naaprubahan nang walang maraming tanong.
Ayon kay Marcoleta, hindi nangyari sa ibang bise presidente na dinagsa ng napakaraming tanong sa pagdepensa sa pondo.
“You may not like the person, you may not like her presence here, but you have to respect the office of the Vice President. That is all, because that is guided by the tradition. Why are we intending to ask questions na naman at pinatawag nyo na naman kung sino-sino dito?,” sabi ni Marcoleta.
Ang tinutukoy ni Marcoleta ay ang pagpapatawag ng komite sa kinatawan ng Commission on Audit at Department of Budget and Management.
Gayunman, hindi naaprubahan ang mosyon ni Marcoleta nang isalang ni House appropriations panel senior vice chairperson Stella Quimbo, botohan dahil 45 na kongresista ang tumutol dito at tatlo lang ang pumabor.
Kinalaunan sa pagdinig, sinabi ni Quimbo na walang halaga ang "tradisyon" kung nakasalalay ang usapin sa pagtataksil sa tiwala ng mga tao.
“Aanhin natin ang tradisyon kung tatalikuran natin ang ating obligasyon sa taong bayan na suriin ang budget,” giit ni Quimbo. —FRJ, GMA Integrated News