May kaunting bawas sa presyo sa mga produktong petrolyo na posibleng asahan ang mga motorista sa susunod na linggo.
Batay sa galaw sa international trading nitong nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na posibleng na P0.30 per liter ang mabawas sa presyo ng gasolina.
Nasa P0.20 hanggang P0.50 per liter naman ang maaaring ibaba sa presyo ng diesel, at P0.10 hanggang P0.25 per liter naman sa kerosene.
Ayon sa opisyal, ilan sa mga pangyayari na nakaapekto sa galaw ng presyo ng produktong petrolyo ang anunsyo ng Saudi Aramco na itataas nila ang presyo para sa mga mamimili sa Asya para sa delivery sa Marso kasunod ng paglaki ng demand mula sa China at India. Habang nakaka-apekto sa suplay mula sa Russia ang mga sanction o parusang ipinatutupad ng US.
Kasama rin sa nakaapekto ang pagbaba ng produksyon ng OPEC noong Enero dahil sa mababang output mula sa Iran at Nigeria. Bukod pa sa plano ni US President Donald Trump na magpatupad ng taripa sa Canada, Mexico, at China.
Inihahayag ng mga fuel companies ang opisyal na price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad sa susunod na araw ng Lunes.
Nitong nakaraang Martes, tumaas ng P.70 per liter ang presyo ng gasolina habang nabawasan naman ang presyo ng diesel ng P1.15 per liter, at P0.90 per liter sa kerosene. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News