Matapos masungkit ang kampeonato sa Birmingham Open, sasabak naman agad si Alex Eala sa isang WTA 500 event sa HSBC Championships sa Martes sa London.

Sisimulan ng 21-anyos na Pinay tennis star ang kaniyang panibagong kampanya laban kay Zhang Shuai ng China sa Round of 32 dakong 5:00 pm sa Martes (oras sa Maynila).

Hangad ni Eala ipagpatuloy ang kaniyang sunod-sunod na panalo, dalawang araw matapos ang kaniyang tagumpay sa Birmingham Open kung saan siya ang naging kampeon.

Nakuha ni Eala sa kaniyang ikalawang titulo sa WTA 125 matapos niyang talunin si Nikola Bartunkova sa isang mahigpit na laban noong Linggo ng gabi.

Kasalukuyang No.33 sa world rankings si Eala, habang No. 64 naman ang 37-anyos na si Zhang na may tatlong singles titles sa WTA Tour.

Bukod kay Eala, ilan pa sa mga maglalaro sa HSBC Championships ang world no. 2 na si Elena Rybakina, kasama rin ang defending champion na si Tatjana Maria, Leylah Fernandez, Victoria Mboko, Emma Raducanu, Iva Jovic, at Sorana Cîrstea.—Bea Micaller/FRJ GMA News