Arestado ang isang manager ng subdivision developer sa San Juan, La Union, matapos siyang mahuli sa akto na tumatanggap ng P1.5 milyon bilang kabayaran sa bahay sa kabila ng cease and desist order.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang surveillance video ng National Bureau of Investigation Ilocos Regional Office na may isang babae at lalaki na may pinipirmahang papel nitong nakaraang Linggo.

Ilang saglit pa, pumasok na ang mga ahente ng NBI Ilocos Regional Office at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sinabi ng NBI na lumapit sa kanila ang DHSUD matapos madiskubreng patuloy sa pangongolekta ang lalaki kahit na may cease and desist order na inisyu ng DHSUD.

“Mayroon pong developer na hindi naman tinatapos 'yung mga proyekto pero patuloy na naniningil at nag-co-coerce pa doon po sa mga kanilang biktima. Ito pong developer na abusado nito ay nahuli po ng ating Ilocos Regional Office ng NBI katulong po ang DHSUD,” sabi ni NBI Director Melvin Matibag.

“At dito po natin napag-alaman na itong developer na ito ay patuloy na gumagawa ng pangingikil o pagsasamantala doon sa mga naging biktima na nila,” dagdag ni Matibag.

“Revoked po ang license to sell niya for failure to complete the development. Kailangan munang i-deliver ng developer 'yung pinangako niyang mga development bago magpatuloy sa kaniyang pangongolekta,” sabi ni Engr. Eleador Balgos, Regional Director ng DHSUD Region 1.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag aang suspek, na nahaharap sa reklamong estafa, grave coercion, paglabag sa Presidential Decree No. 957 o ang Subdivision and Condominium Buyers Protective Decree at Real Estate Service Act.

“Siguraduhin po natin na ang mga nagbebenta nito o naglalako ng kanilang mga development ay patuloy na nakarehistro at protektado po kayo ng DHSUD pagka ganiyan po. Kaya naman po pag-ingatan po natin at agad pong ipagbigay-alam sa awtoridad gaya po ng NBI kung makaramdam po tayo na may pang-aabuso at panlolokong ginagawa po ang isang developer ng subdivision o kaya ng pabahay po,” sabi ni Matibag. — Jamil Santos/VBL GMA News