Isang babaeng jogger ang malubhang nasaktan matapos siyang mabangga ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na minamaneho ng isang 18-anyos na lalaki sa Antipolo City. Ang suspek, tinangkang tumakas.

Mula sa ulat ni GMA News reporter EJ Gomez nitong Linggo sa 24 Oras Weekend, makikita sa video footage na lumihis ang takbo ng MPV at napunta sa kabilang linya ng kalsada at nabangga nito ang biktima. Bago nito, nabangga din nito ang isang motorsiklo at isang tricycle.

Makikita sa CCTV footage na nagpatuloy pa sa pagtakbo ang sasakyan na tila walang nangyari kaya hinabol siya ng ilang nagmalasakit na motorista.

Makikita rin sa video na pilit na pinaandar ng driver ang MPV kahit may sira na ang isang gulong nito, habang bumubusina ang ibang motorista upang mapahinto siya.

Nang tuluyan nang huminto ang suspek, hinarap ng isang driver ng pickup ang nagmamaneho ng MPV, na nakitang nakahubad lang. Tumakas naman ang dalawa niyang kasama.

Ayon kay Arman Valencia, barangay public safety officer (BPSO) ng Barangay Dela Paz, hindi nila makausap nang maayos ang driver ng MPV dahil nakainom umano.

Hindi rin umano nakapagpakita ng driver’s license ang nagmamaneho ng MPV.

Ayon sa mga saksi, paekis-ekis ang takbo ng MPV at nauna na nitong makabangga ng nakaparadang motorsiklo at tricycle.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng barangay at dinala sa ospital ang 26-anyos na babaeng biktima.

Sinabi ni Valencia na nanginginig ang biktima habang nakahandusay sa gilid ng kalsada.

Patuloy pa umanong nilang kinukuhanan ng mga awtoridad ng mga pahayag ng biktima at ng suspek kaugnay ng insidente.

Nangako umano ang driver na sasagutin niya ang gastos sa pinsala ng motorsiklo at tricycle, gayundin ang gastusin sa pagpapagamot sa biktima.—FRJ GMA News