Muling nagpalitan ng panata ng pagmamahal o renewal of vows ang mag-asawang Jopay Paguia at Joshua Zamora makalipas ang 12 taon mula nang ikasal sila.

Sa social media nitong nakaraang weekend, nagbahagi ang mag-asawa ng mga larawan at video mula sa seremonya na ginanap sa Fernwood Gardens sa Tagaytay.

"Celebrating 12 years of God’s goodness, grace, and faithfulness in our marriage," saad ni Joshua sa Instagram na may kasamang dasal ng pasasalamat.

Nakasuot si Joshua ng puting tuxedo habang kapansin-pansin ang kagandahan ni Jopay sa kaniyang wedding gown.

Kasama rin nila ang kanilang dalawang anak na babae na nakasuot ng magagandang berdeng bestida, na siyang napiling tema para sa kanilang renewal of vows.

Sa comment section ng kanilang mga post, nag-iwan ng pagbati ang ilan sa kanilang mga kaibigang artista, kabilang sina Sugar Mercado, na kamakailan ay nagwagi sa Stars on the Floor, at si Gardo Verzosa.

Kapwa kilalang dancers sina Joshua at Jopay. Naging bahagi si Joshua ng grupong Maneuvers, habang si Jopay naman ay miyembro ng SexBomb Dancers.— FRJ GMA News