Ibinunyag ng 18 nagpakilalang mga dating Marines at sundalo sa hearing sa Senado nitong Hunyo 4, na pinangunahan ni Senator Pia Cayetano, ang malawakan umanong operasyon ng paghahatid nila ng mga maleta na may pera sa ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno.

Ayon sa kanila, naganap umano ito mula 2022 hanggang 2025.

Kasama ang 18 ex-Marines ang mga nagpakilalang sina Bernard Tube, Rosebert Waupan, Benny Bulontate, Johnny Buduan, Rodante Orbillo, Reyneboy Julian, Christopher Esquivel, George Villalon Jr., Romeo Rommel Bobares, Gil Natividad Jr., Anselmo Taberdo, Jowly Cadiao, Rommel Galapon, Cecilio Larroder Jr., Bernard Gumban, Crisaniel Dado, Fidenl Corpuz, at Walter Manalansan.

Maaalalang noong Pebrero 26, una nang nagsumite ang mga dating sundalo ng notarized affidavit sa Office of the Ombudsman sa pamamagitan ng abogado nilang si Levito Baligod.

Base sa sinumpaan nilang salaysay, inutusan umano sila ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co na maghatid ng pera sa iba't ibang personalidad.

Sa pagharap naman nila sa Senate hearing, inilahad nilang nag-deliver din umano sila ng mga maletang may lamang pera kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senator Vicente "Tito" Sotto, Senator Erwin Tulfo, Rep. Leila De Lima, dating Representative France Castro at iba pa.

Batay sa salaysay ni Buduan, isinakay umano nila ang mga maleta sa isang bulletproof na maleta na may back-up na isa pang bulletproof na sasakyan.

Ayon sa kaniya, narinig niyang inihatid ang mga ito kay Pangulong Marcos. Paglilinaw niya, inihatid nila ang mga maleta sa "Delta Gate," samantalang sina Tube at Co ang naghatid sa Ilocos Norte.

Sa Paoay, Ilocos Norte umano inihatid nina Tube ang mga maleta ngunit hindi niya matukoy ang eksaktong address dahil gabi na noon.

Ang kaniyang mga nakita umano niya sa bahay ay sina Representative Sandro Marcos, Pres. Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Bilang tugon, hinamon ng Malacañang ang mga ex-Marines umano.

"Pakita muna nila 'yung ebidensiya. Madali kasi magturo, lalo na kung ang balak mo lang naman talaga ay manggiba at magsilbing isang obstructionist or destabilizer," sabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro.

Nadamay naman si Sotto sa pahayag ni Bulontate na parte raw ng advance team na inutusang magtungo sa isang building sa Baclaran na may koneksiyon umano sa senador bago dumating si Co at ng kaniyang mga kasama.

Limang malaking maleta umano na may pera and dinala roon noong 2024 bago ang election period.

Tinanggap umano ang mga maleta ang executive assistant (EA) ni Sotto.

Buwelta ni Sotto, hindi naman siya senador mula 2022 hanggang 2025, at patay na noong 2015 ang sinasabing kaniyang EA.

"I will not dignify such because I was not a senator from 2022 to 2025. The name they mentioned na EA ko daw na tumanggap ay is Mark. Mark died in 2015," ani Sotto.

Samantala, personal na nakasama umano si Gumban sa dalawang beses ng paghatid daw ng maleta kay Tulfo.

Sa unang delivery umano, may isang maliit at isang malaking maleta, habang anim na maleta na may iba't ibang laki naman sa pangalawang delivery.

Natuklasan daw niya na si Tulfo ang may-ari ng bahay nang tanungin ang kasamahang si "Mark."

Itinanggi ito ni Tulfo sa isang pahayag, at sinabing nalilito na rin sa detalye ang nag-aakusa sa kaniya.

"Una, sabi niya sa kaniyang naunang sinumpaang salaysay, nag-deliver daw siya sa akin ng anim na medium-sized na maleta. Ngunit, galing na mismo sa kaniyang bibig kanina na dalawa (2) at anim (6) na maleta ang kanyang idinedeklara," sabi ni Tulfo.

Nagbanta si Tulfo na kakasuhan niya ang mga nag-akusa laban sa kaniya.

Sa salaysay naman ng isang witness, madalas umanong makikipagkita si Castro sa congressional office at townhouse ni Co, at kasama pa sa ibang pagpupulong sina Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel at noo'y Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Matapos ang meeting, may iniuwi umano ang mga nabanggit na mambabatas na paper bags.

"All they have are conjectures, vague insinuations, and outright lies, because they have no evidence of any wrongdoing by Makabayan. Anyone can produce a photo and make outrageous claim, but these so-called witness have failed to present an iota of evidence that will hold up in any court, " sabi nina Castro, Manuel at Brosas sa isang pahayag.

Sinabi rin ng witness na madalas makipagpulong si De Lima kay Co sa isang townhouse at umuuwing may dala.

Dati nang itinanggi ni De Lima ang mga akusasyon at naghain ng reklamo laban sa 18 ex-Marines.

"Since these are untruthful statements made in their sworn affidavit... signed and executed by the 18 alleged ex-Marines, nagpasya ako na magfile ng complaint-affidavit for perjury kasi mga pawang kasinungalingan para ilito ang mga tao at siraan ang aking pangalan," sabi ni De Lima.

Sa sworn statement at supplemental affidavit na mula sa kaanak umano ng isa sa 18 ex-Marines, sinabing nanuhol umano si dating Cong. Mike Defensor ng tig-P5 milyon sa bawat isa sa kanila para tumestigo bilang dating bagmen ni Co.

"Ang sabi niya ay wala naman daw po mawawala sa kanila dahil magsasabi lang daw po sila ng kanilang mga nalalaman at bibigyan daw po sila ng pera, na siya namang malaking tulong sapagkat mga wala na silang mga trabaho ngayon," batay sa sworn statement ng kaanak umano ng isa sa ex-Marines

Inimbitahan ang 18 ex-Marines sa isang Senate Blue Ribbon Committee hearing sa darating na Hunyo 8 pero pangungunahan naman ito ni Sen. Erwin Tulfo.

Naunang sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 nagpakilalang sundalo ay hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Navy o ng Philippine Marine Corps.

Ayon pa sa Philippine Navy, karamihan sa mga nagpakilalang mga sundalo ay natanggal na sa serbisyo nang may kaparusahang dishonorable discharge dahil sa mga nagawang kasalanan. —FRJ GMA News