Asahan ng mga kliyente ng Manila Electric Company (Meralco) ang mas mataas na bayarin ngayong Marso dahil sa ipatutupad nilang mas mataas na singil.
Sa inilabas na abiso, sinabi ng Meralco na magmamahal ng 26 centavos per kilowatt-hour (kWh) ang kanilang singil ngayong Marso.
Partikular na tataas ang overall rate ng power distributor ng P0.2639 bawat kWh, na mangangahulugan na magiging P12.2901 per kWh ang singil sa kabahayan mula sa P12.0262 per kWh noong Pebrero.
Katumbas ito ng pagtaas na P53 sa buwanang bayarin ng isang kostumer na kumokonsumo ng 200 kWh.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtaas ng rate ay dulot ng kawalan ng one-time downward adjustment sa reset fee na katumbas ng P0.2264 bawat kWh para sa mga kustomer ng Meralco, na ipinatupad noong Pebrero na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
“Also contributing to the upward adjustment was the P0.1294 per kWh increase in the transmission charge for residential customers, due to higher ancillary service charges incurred by the National Grid Corporation of the Philippines (NGCP),” ayon sa Meralco.
“This month’s transmission charge also includes the second of three installments of February and March 2024 reserve market transactions for Luzon that ERC directed NGCP to collect,” dagdag nito
Lalabas din umano sa singil sa Marso ang P0.0351 per kWh increase sa Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) na mula umano sa direktiba ng ERC na ipatupad ang bagong FIT-All na P0.1189 per kWh, na dating P0.0838 per kWh.
May pagtaas ng P0.0416 per kWh ang iba pang mga singil na may kasamang buwis, ayon sa power distributor.
Sinabi ng Meralco na ang pagtaas ng mga singil ngayong Marso ay dahilan din ng mababang generation charge P0.1686 bawat kWh mula P7.2203 bawat kWh noong nakaraang buwan, dahilan sa pagbaba ng mga gastos mula sa mga pinagkukunan ng supply ng Meralco. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News