Naglabas ng pahayag si Senador Ronald "Bato" dea Rosa nitong Miyerkules, isang araw matapos dakpin at dalhin sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte para litisin sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crime against humanity.Sa Facebook post ni dela Rosa, sinabi nito na handa niyang samahan at alagaan si Duterte sa The Hague kung saan idedetine ang dating pangulo habang nililitis."If all legal remedies are exhausted and still justice is to no avail, then I don’t want my family to suffer from cops looking for a heartbeat," saad ng senador sa post."I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him," patuloy niya.Ang kaso laban kay Duterte ay bunsod ng kampanyang war on drugs na ipinatupad ng kaniyang administrasyon na ikinasawi ng hindi bababa sa 6,000 tao.Si dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang panahon na ipatupad ni Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga.Inaresto sa bisa ng warrant of arrest mula sa ICC si Duterte nitong Martes, at inilipad din patungong The Hague.Sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ni Atty. Joel Butuyan, abogado ng mga pamilya ng ilang nasawi sa war on drugs campaign, na maaari pang maglabas ng arrest warrant ang ICC laban sa mga “co-perpetrator” sa war on drugs, katulad ni dela Rosa.“Kung babasahin mo ang warrant of arrest, may mga indications na may iba pa maliban kay Pangulong Duterte. Kasi ang description na binibigay doon kay Pangulong Duterte indirect co-perpetrator,” ayon kay Butuyan, nasa List of Counsel ng ICC.“So, kung co-perpetrator siya, meron siyang ibang ka-perpetrator. So, umaasa tayo na ito ay simula pa lang at meron pang iba kagaya ni Senator Bato dela Rosa na maaaring mahahainan ng warrant of arrest sa mga susunod na araw,” dagdag niya.Sinabi naman ni dating senador Antonio Trillanes IV, isa sa mga naghain ng reklamo laban kay Duterte sa ICC, na posibleng si dela Rosa na lang sisilbihan ng arrest warrant ng ICC.“Meron pa po tayong ine-expect na darating pa na warrant of arrest pero baka hanggang kay Bato dela Rosa na lang po ang inaantay natin,” pahayag ni Trillanes sa hiwalay na ulat ng Unang Balita.Kasabay nito, sinabi ni Butuyan na posibleng papuntahan sa ICC ang mga Pilipino na magsisilbing testigo laban kay Duterte.-- FRJ, GMA Integrated News