Patay ang isang lalaking nagba-buy-and-sell ng mga sasakyan online matapos siyang barilin ng nagpanggap na buyer na isa pa lang hitman sa Parañaque.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nakipagkita ang biktima sa dalawang suspek na nagpanggap na buyer nitong Lunes ng 11:00 pm sa Parañaque upang tingnan at i-test drive ang ibinebentang SUV.

Nagsama naman ng dalawang kaibigan ang biktima at nagtungo sa Barangay Marcelo Green Park sa bahagi ng South Superhighway.

Ayon kay Police Brigadier General Joseph Arguelles, District Director, SPD, matapos isagawa ang test drive, basta na lang binaril ng dalawang beses ng suspek ang biktima na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Hinayaan naman nito na tumakas ang dalawang kaibigan ng biktima at hindi sinaktan.

Matapos patayin ang biktima, tumakas ang dalawang salarin tangay ang ibinebentang sasakyan.

Pero ang tinangay na SUV, iniwan din lang ng mga suspek sa 'di kalayuan, at tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo.

Sa isinagawang operasyon ng pulisya, natunton ng mga awtoridad ang pinuntahan ng motorsiklo na isang bahay.

Sinabi ni Police Colonel Melvin Montante, hepe ng Parañaque Police, pot session area ang lugar na kinaroroonan ng mga suspek at nasakote rito ang tatlo--kasama ang hitman.

Lima ang kabuuang bilang ng mga suspek na naaresto na at tatlong baril ang nakumpiska.

Ayon kay Police Major General Anthony Aberin, NCRPO chief, gun hire o hired killer ang grupong nagtumba sa biktima.

Inamin din umano ng mga suspek na sangkot sila sa ibang krimen, at may warrant of arrest ang hitman dahil sa dalawang kaso rin ng pagpatay.

Sinabi ng isang suspek na nautusan lang sila, habang tumangging magbigay ng pahayag ang iba pang suspek.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa krimen at paghahanap sa itinuturing utak sa pagpatay sa biktima.

Mahaharap naman sa patong-patong na kaso ang mga naarestong suspek. --FRJ, GMA Integrated News